Inamin ni Sen. Antonio Trillanes IV na totoong lumapit sa kaniya dati si Joemel Peter Advincula alyas “Bikoy” noong 2018 o bago pa man lumabas ang kontrobersyal na “Ang Totoong Narcolist” videos.
Sinasabing sinamahan si Advincula ng ilang pari, dahil natatakot daw itong balikan ng mga kasahan niya sa sindikato.
Pero ayon kay Trillanes sa kaniyang privilege speech, hindi pumasa si Advincula sa pamantayan upang maging whistleblower, kaya hindi na niya ito kinausap.
“Una nang inilapit sa akin ng mga pari si Bikoy August last year dahil siya daw ay papatayin ng sindikato ng illegal na droga. Pinakinggan ko siya pero nakulangan ako at naguluhan sa mga detalye kaya isinantabi ko at tuluyan nang kinalimutan ang usapang ito,†wika ni Trillanes.
Lumutang pa nga raw sa minorya ang ideya na maghain sana ng resolusyon para imbestigahan ang expose ni “Bikoy,” ngunit siya na mismo ang kumontra dahil sa kabiguan magpakita ng matibay na ebidensya laban sa mga sinasabing sangkot sa drug syndicate.
Samantala, wala nang kasamahan sa Senado na nagtanong kay Trillanes matapos ang nasabing talumpati.