Nanawagan si dating Senador na si Antonio ‘Sonny’ Trillanes na patalsikin na sa pwesto si Vice President Sara Duterte kaugnay sa kamakailang naging asal nito sa pagdinig sa kamara na tumalakay sa proposed budget ng Office of the Vice President (OVP).
Sa isang online post, sinabi ni Trillanes na hindi lamang ang paggasta ng P125 milyon confidential funds ang naging impeachable offense ng Bise Presidente. Idagdag pa raw dito ang bribery at korapsyon dahil sa pagtanggap umano nito ng dalawang cheke na nagkakahalagang 14.4 milyon mula sa dating economic adviser ni dating Pangulo Rodrigo Duterte na si Michael Yang habang siya ay nakaupo bilang alkalde ng Davao City.
Matatandaan na sa pagdinig ng proposed budget ng OVP para sa taong 2025, nanatiling matigas ang paninindigan ni VP Sara na hindi niya sasagutin ang mga tanong tungkol sa paggastos ng kaniyang tanggapan ng P125 milyon confidential funds sa loob ng labing isang araw. Ani Duterte, wala na umanong kinalaman ang mga alegasyon na iyon sa talakayan tungkol sa budget ng OVP para sa susunod na taon.
Samantala una na rito, nagpahayag na rin si Trillanes ng kanyang saloobin tungkol sa insidente nito lamang Martes, Agosto 27. Sinabi ng dating senador na naniniwala siya na oras na para sama-samang duminig sa mga mambabatas na patalsikin si Duterte sa kanyang posisyon.