Plano pang magsampa ng mga reklamo ni dating Senador Antonio Trillanes IV laban kina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Senador Christopher “Bong” Go.
Ayon kay Trillanes, naghahanda pa sila ng ibang reklamo at maaaring may iba ring maghain ng complaint laban kay Duterte at Go.
Nang matanong ang dating senador kung anong reklamo, binanggit nito ang Philippine Navy’s frigate deal.
Noong 2019, isiniwalat ni Trillanes na inamin ni Duterte ang crime of plunder nang kumpirmahin ng dating chief executive na namagitan sila ni Go sa frigate deal.
Sinabi ni Duterte na inaksyunan niya ang isang reklamo mula sa South Korean supplier at ipinasa ito kay Go, na kanyang pinagkakatiwalaang katuwang noon.
Batay sa mga ulat, ang frigate acquisition project ay puno ng mga kontrobersya.
Sinibak noong 2017 sa pwesto si dating Navy chief Vice Adm. Ronald Joseph Mercado dahil sa umano’y hindi nararapat na paggigiit niyang kumuha ng isang partikular na brand ng combat management system (CMS) na tutugon sa mga kinakailangan ng Navy technical working group.
Ang pagpili ng CMS, o ang utak ng mga barkong pandigma, ang pangunahing pinagmulan ng pagtatalo na humantong sa mga pagdinig sa kongreso dahil sa Navy’s link 16 compatability requirement.
Una nang naghain si Trillanes sa Department of Justice ng kasong plunder laban kay Go at kay Duterte kaugnay sa mga kwestyunableng pag-award ng mga proyekto ng pamahalaan.
Mariing tinanggi naman ni Go ang alegasyon Trillanes na napunta sa kanyang kaanak ang P6.6 billion na government projects noong panahon ng dating Duterte administration.
Nanindigan si Go, na hindi nakinabang ang kaniyang pamilya at kamag-anak sa mga kontrata habang siya ay nasa pamahalaan lalo na ang kaniyang ama at kapatid.
Dahil hindi pa siya aniya ipinapanganak ay may negosyo na ang kaniyang ama.