Tiniyak ni dating Sen. Antonio Trillanes IV na may sapat siyang impormasyon at ebidensya sa inihain niyang kaso laban kina dating pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Christopher “Bong” Go.
May kaugnayan ito sa pinasok umanong frigate deal ng nakaraang administrasyon.
Personal na nagtungo nitong Miyerkules sa Department of Justice (DOJ) si Trillanes at dala ang tambak ng mga dokumento.
Reklamong plunder laban kay dating Pangulong Duterte, Sen. Bong Go at iba pang opisyal ng dating administrasyon ang kanyang isinampa.
Kasama rin sa mga kinasuhan sina dating Defense Usec. Raymundo Elefante, dating Budget Usec. Lloyd Christopher Lao, at dating Philippine Navy (PN) chief Admiral Robert Empedrad.
Nag-ugat umano ito sa P16 billion na Philippine Navy Frigate Acquisition Project na pinanghimasukan umano ng dalawa kahit may ibang rekomendasyon ang mga nangangasiwang opisyal.
Naniniwala si Trillanes na nagkaroon ng anomalya sa pagpapatupad ng naturang proyekto.
Bago ito, naghain din ng kaso si Trillanes noong Hulyo 5 dahil sa umanoy paggamit nina Duterte at Go ng kanilang kapangyarihan at posisyon para makakuha ng bilyon pisong halaga ng government projects na pabor sa kani-kanilang pamilya.
Bukas naman ang Bombo Radyo para sa panig nina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Sen. Go, ukol sa nasabing usapin.