CAGAYAN DE ORO CITY -Inaakusahan ngayon ng kontrobersyal na si Atty. Jude Sabio si dating Sen. Antonio Trillanes IV na umano’y tumanggap ng P500-milyong pondo para isulong ang reklamo laban kay Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) sa The Netherlands.
Tugon ito ni Sabio sa naunang banat sa kanya ni Trillanes na nagpapagamit daw ito sa administrasyon kaya bumaliktad sa ICC complaint laban kay Duterte.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Sabio na nagkunkunwari raw ang grupo ni Trillanes na walang pera upang kaawaan nang sa gayon ay makalikom ng pondo upang kastiguhin si Pangulong Duterte sa usapin ng extrajudicial killings sa bansa.
Inihayag ni Sabio na malaking kasinungalingan din daw ang ipinakalat ng mga miyembro ng oposisyon na siya ay nakokontrol ng panig ng Presidente dahil kailanman ay hindi nga raw nito personal na kilala ang First Family.
Una nang sinabi ni Trillanes na kahit umatras pa bilang complainant si Sabio laban kay Duterte ay hindi ito makaka-apekto dahil marami pa namang naghahain ng kahalintulad na reklamo sa ICC.
Patunay lamang umano ito na natitinag na ang puwersa ni Duterte kaya raw ginamit si Sabio.