Binatikos ni dating Sen. Antonio Trillanes ang mungkahi ng pamahalaan na amyendahan ang Human Security Act upang labanan ang terorismo.
Una nang inilutang ng Department of National Defense ang posibilidad na gawing hanggang 60 araw ang detainment sa mga hinihinalang terorista.
Sa isang pahayag, sinabi ni Trillanes na sa halip ay dapat umanong maprotektahan ang mga Pilipino laban kay Pangulong Rodrigo Duterte, na libu-libo na raw ang pinatay sa ipinapatupad na giyera kontra droga.
Kaya tingin ng dating mambabatas, tila nagbibigay na umano ng special treatment ang gobyerno sa mga terorista ngayon.
“Even granting that the anti-terror law should need to be strengthened, it should only happen under an administration that has clearly demonstrated its desire to protect its people,” ani Trillanes.
“This admin has been summarily killing ‘suspected’ addicts the past 3 years while they are only pushing for detention for terrorists. Are they giving special treatment to terrorists now?”
Ayon pa kay Trillanes, posibleng magamit lamang daw ito bilang kasangkapan ng pang-aapi sa mga pinaghihinalaang terorista.
“The keys to effective anti-terror operations are still the proper use of intel funds, inter-agency cooperation, intel exchanges with foreign intel agencies, and vigilance of the public,” anang dating senador.
Binigyang-diin din ni Trillanes na hindi umano napigilan ng mga otoridad ang pamomomba sa Basilan at Sulu sa kabila ng umiiral na martial law sa Mindanao.
Sa panig naman ni Justice Secretary Menardo Guevarra, kinakailangan umanong dagdagan ang ngipin ng batas dahil marami umano sa mga probisyon nito ang kailangang baguhin.