Handa umanong harapin ni dating Sen. Antonio Trillanes IV ang inihaing mga kaso ng PNP-CIDG laban sa kaniya at sa iba pang personalidad.
Base sa reklamo ng pulisya na inihain sa Department of Justice (DoJ), kidnapping at serious illegal detention ang alegasyon laban kay Trillanes na nag-ugat sa complaint ni Guillermina Barrido alyas Guillermina Arcillas ng Davao del Norte.
Giit ni Barrido, trinato siya na parang bilanggo sa kumbento ng Cannossian Sisters sa Makati City at Holy Spirit Convent sa Quezon City.
Pinatetestigo raw siya ng grupo ni Trillanes laban kay Pangulong Rodrigo Duterte, kapalit ng P1 million.
Pero para sa dating senador, panibagong pangha-harass lamang ito, kagaya ng mga inihaing kaso noong mga nakaraang panahon.
Dagdag pa nito, hindi niya kilala at hindi pa rin nakaharap ang complainant na sinasabi ng CIDG.
Maliban kay Trillanes, nahaharap din sa kaparehong kaso sina Fr. Albert Alejo, Atty. Jude Sabio at isang Sister Ling.