-- Advertisements --

Hawak na ng Philippine National Police (PNP)-Region 3 ang suspek na nasa likod ng massacre sa limang miyembro ng pamilya sa San Jose del Monte City, Bulacan, na naganap noong araw ng Martes.

Ayon kay PNP-Region 3 director C/Supt. Aaron Aquino, umamin na ang suspek na siya ang responsable sa pagpaslang sa pamilya Carlos.

Kinilala ni Aquino ang suspek na si Carmelino Ibañez, isang construction worker na naninirahan malapit lamang sa bahay ng mga biktima.

Sinabi ng heneral na batay sa isinagawang interogasyon sa suspek, inamin nito ang ginawang pagpatay at maging ang panghahalay sa asawa at ina ni Dexter Carlos, ang padre de pamilya.

Sinabi pa ni C/Supt. Aquino, madalas nang nag-iigib ng tubig ang suspek sa bahay ng mga biktima.

Paglalahad daw ng suspek sa mga pulis, sa likod ng bahay siya pumasok bandang alas-2:00 ng madaling araw at nakita nito na natutulog sa kaniyang kwarto ang lola na si Auring Dizon at saka sinaksak ng 32 beses bago ginahasa.

Una nang nakita ng mga otoridad na hubo’t hubad ang matanda kinaumagahan.

Sinasabing nang makita ang insidente ng anak niyang si Estrella, asawa ni Dexter, agad itong tumakbo palabas ng kanilang bahay ngunit nahabol at pinagsasaksak din ng 45 beses  saka ginahasa rin.

Dagdag pa ng suspek, nang marinig naman niya ang ingay ng mga bata sa itaas na palapag ng bahay ay kaniya itong tinungo at pinagsasaksak din.

Labinlimang beses niyang sinaksak ang nakakatandang bata na edad 11, habang 19 na beses naman ang pitong taong gulang batang babae at limang saksak sa isang taong gulang na sanggol.

Pahayag pa ng suspek na hindi niya maalala kung mag-isa lamang siyang gumawa sa krimen dahil high sa droga o bangag siya noong mga panahong ‘yon.

Iginit din nito na hindi naman daw nila pinagplanuhan ang pangyayari at trip lang ang ginawang krimen.

Humingi rin ang suspek ng paumanhin sa pamilya.

Ginamit umano ni Ibañez sa nasabing krimen ang nakuhang kitchen knife sa bahay ng mga biktima.

Samantala, sinabi ni Aquino na adik sa droga ang suspek at naikuwento pa umano nito na sa isang Tony Arceo raw siya kumukuha ng droga.

Ang mister naman na si Dexter ay hindi naniniwalang walang kasamang iba ang suspek.

Maaaring may pinagtatakpan lamang daw ito.