Tinanggal ngayon ng Supreme Court (SC) ang temporary restraining order (TRO) na inisyu nito sa Sandiganbayan kaugnay ng paglilitis sa Mamasapano encounter na ikinamatay ng 44 na miyembro ng PNP-Special Action Force (SAF).
Ito ang kinumpirma ni Supreme Court (SC) Spokesperson Brian Hosaka ngayong umaga.
Napagbotohan daw sa en banc session kahapon na bawiin ang TRO na nangangahulugan na wala nang hadlang sa pag-usad ng pagdinig.
Pero kailangan pa rin umanong resolbahin ng Sandiganbayan ang hirit ng Office of the Ombudsman na i-withdraw ang kaso dahil kulang umano ang naisampang reklamo laban sa dating Pangulong Noynoy Aquino.
Una nang nagpalabas ang Supreme Court First Division ng TRO noong February 2018 na pansamantalang pumigil sa dapat sana ay arraignment noon ni Aquino na nahaharap sa kasong usurpation of authority at graft.
Ito ay kasunod ng petisyong inihain ng Office of the Solicitor General sa Korte Suprema dahil sa oras na matuloy ang pagbasa ng sakdal, mawawalan na raw ng karapatan ang mamamayan na mausig sa tamang kaso sina Aquino.
Bukod kay Aquino, akusado rin sa kaso sina dating PNP Chief Alan Purisima at dating PNP-SAF Director Getulio Napenas Jr.
Maalalang Enero 25, 2015, mahigit 60 namatay kabilang na ang 44 na miyembro ng SAF nang sumiklab ang engkwentro sa Mamasapano, Maguindanao.