ROXAS CITY – Susundin ng Commission on Elections o Comelec ang temporary restraining order (TRO) na ipinalabas ng Korte Suprema laban sa ‘’Oplan Baklas’’ ng ahensiya.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay Atty. Wilfred Jay Balisado, Comelec Region 6 director, sinabi nito na nirerespeto ng kanilang tanggapan ang TRO at susundin nila ito.
Naniniwala rin ang opisyal na aplikable lamang ang TRO ng korte suprema sa mga private residences at private open spaces lalo na kung ang naglagay ang mga supporters ng mga kandidato.
Binigyang linaw ni Balisado na hindi sumama ang loob ng Comelec sa pagfile ng petisyon sa Supreme Court ng St. Anthony College of Roxas City Incorporated at dalawang mga petitioners sa ipinatutupad na Oplan Baklas ng ahensiya, dahil daan ito para malaman ang saklaw ng kapangyarihan ng Comelec.
Samantala inihahanda na rin ng legal team ng Comelec ang kanilang komento sa petisyon na inihain ng mga petitioners sa loob ng sampung araw.