Kasalukuyan pang nasa deliberasyon ng Korte Suprema ang petisyong temporary restraining order ng transport groups na pinangungunahan ng Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ayon kay SC spokesperson Camille Sue Mae Ting.
Ito ay sa kabila pa ng pagpaso ng April 30 deadline para sa consolidation sa ilalim ng PUV modernization program.
Nangangahulugan na kung wala pang TRO na inilalabas ang SC, maaaring ituloy ng pamahalaan ang implementasyon ng PUVMP at ang consolidation deadline.
Una ng pinagkokomento ng SC sa mga respondent kabilang ang DOTr at LTFRB na maghain ng kanilang tugon.
Samantala, nasa 10,000 dyip sa buong bansa naman ang nakaambang iuri bilang kolorum public utility vehicke dahil sa hindi pagtalima sa consolidation deadline kahapon ayon sa LTFRB.
Bagamat ayon kay LTFRB chairman Teofilo Gudiz, susundin nila ang due process para sa mga kolorum jeepneys o units na wala ng bisa ang kanilang prangkisa kabilan ang 600 hanggang 700 dyip sa Metro Manila.
Aniya, sa ikalawang linggo ng Mayo, kanilang itatap na ang LTO at PNP para hulihin ang mga colorum operators.
Maaari aniyang ma-impound ang mga mahuhuling kolorum na sasakyan at pagmumultahin ng P50,000.