Gaya ng nakagawian, naging magarbo ang pagdiriwang ni Queen Elizabeth II ng kanyang opisyal na kaarawan, na minarkahan ng taunang Trooping the Colour parade.
Kasama ng reyna ang mga miyembro ng kanyang pamilya at libu-libong mga manonood na nanood ng display sa Horse Guards Parade sa Whitehall.
Kabilang sa mga dumalo ang Prince of Wales, ang Duchess of Cornwall, ang Duke at Duchess of Cambridge at ang Duke at Duchess of Sussex.
Ipinagdiwang ng reyna ang kanyang ika-93 noong buwan ng Abril.
Ang lahat naman ng mga royal colonels, ang Prince of Wales, colonel ng Welsh Guards, ang Princess Royal, colonel ng Blues and Royals, ang Duke of Cambridge, colonel ng Irish Guards at ang Duke of York, at colonel ng Grenadier Guards, ay nakasakay sa kabayo bilang bahagi ng parada.
Ito rin ang kauna-unahang public appearance ng Duchess of Sussex mula nang isilang nito si Archie apat na linggo na ang nakalilipas.
Hindi naman nakadalo ang Duke of Edinburgh, na nakatakda namang ipagdiwang ang kanyang ika-98 kaarawan sa Lunes.
Ilan din sa mga panauhin si Theresa May, na pormal nang bumaba sa puwesto bilang leader ng Conservative party noong Biyernes, ngunit mananatili ito sa kanyang tungkulin hangga’t wala pang napapangalanang kapalit.
Samantala, agaw-pansin din ang pagkahulog sa kabayo ng isa sa mga kasapi ng Regimental Adjutant ng Irish Guards na si Major Niall Hall.
Sinabi ng isang tagapagsalita ng MInistry of Defense, agad na ginamot ng medical team si Hall at isinugod sa ospital.
Hindi naman umano malala ang natamo nitong injuries. (BBC)