-- Advertisements --

Pormal nang sinimulan ng Estados Unidos ang pagpapauwi sa tropa-militar nito na nasa Afghanistan.

Ito ay bilang hudyat nang pagtupad ni President Joe Biden sa kaniyang pangako na matutuldukan na ang tinatawag na “forever war.”

Halos 20 taon na kasi ang presensya ng Amerika at Nato sa Afghanistan.

Sa kabila nang pagpapa-atras sa tropa-militar ng Amerika na tatagal hanggang Setyembre 11, nananatili pa rin sa high alert ang Afghan security forces sa posibleng pag-atake ulit ng Amerika.

Una nang nagbabala ang Taliban na hindi na ito tutupad sa kasunduan na walang international troops ang kanilang susugurin.

Batay sa kasunduan na nilagdaan noong nakaraang taon sa pagitan ng mga militanteng grupo at dating U.S. President Donald Trump, kailangang umatras ang foreign forces sa Mayo 1 habang patuloy pa rin ang pag-atake ng Taliban sa mga international troops.

Noong Setyembre 11, 2001 ay nangyari ang malagim na pag-atake ng al-Qaeda sa Amerika na kumitil sa buhay ng 3,000 Amerikano. Mas kilala ito bilang 9/11 attack.

Kaagad kinilala si Osama Bin Laden bilang utak sa nasabing pag-atake. Si Bin Laden ang tumatayong pinuno ng Islamist terror group na al-Qaeda, subalit tumanggi ang Taliban na pasukuin si Bin Laden upang pagbayaran ang kaniyang ginawa.

Nagbunsod ito sa paglulunsad ng U.S. ng air strikes sa Afghanistan at dito na nagsimula ang tila walang katapusang gyera sa pagitan ng dalawang panig.