Ibinunyag ni dating Israeli Ambassador to the UN at miyembro ng Israeli parliament na si Danny Danon na nabigong maisakatuparan ang posibilidad ng pagpapalawig pa ng tigil putukan sa pagitan ng Israel at Hamas matapos hindi ibigay ng militanteng grupo ang pangalan ng mga bihag nilang kababaihan at mga bata.
Aniya, sa kasamaang palad, pinili ng Hamas na itigil ang naturang kasunduan. Hindi din aniya pumayag ang grupo na ibigay sa Israel ang pangalan ng mga kababaihan at mga bata na nagbunsod ng pagpapatuloy ng military operations ng Israel forces sa Gaza.
Sa kabila nito, pauloy pa rin ang negosasyon ng Israel para sa pagpapalaya ng mga bihag ng Hamas.
Samantala, itinanggi naman ng Israeli official ang ulat na may impormasyon umano ang Israeli government sa pagatake ng Hamas isang taon bago ito mangyari noong Oktubre 7.
Aniya, batid nila ang intensiyon ng Hamas na salakayin ang Israel subalit hindi nila alam kung kailan ito mangyayari at marami aniyang bantang natatanggap ang Israel.
Matatandaan na ipinagpatuloy na ng Israel ang military operation laban sa Hamas sa Gaza nitong Biyernes matapos na labagin ng Hamas ang napagkasunduang mga kondisyon sa ilalim ng 7 araw na tigil-putukan sa pamamagitan ng pagpapakawala ng rockets sa Israel.