NAGA CITY – Natupok ng apoy ang isang elf truck at jeep na ginagamit sa pagkakarga ng mga produktong mais sa Barangay Quinale, Calabanga, Camarines Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Lt Mark Spaña, deputy chief ng Calabanga Municipal Police Station, sinabi nito na ang nasabing sasakyan ay pagmamay-ari ng negosyanteng si Marcelo Malasa.
Aniya, nagising na lamang ang tagapagbantay ng truck at jeep na si barangay kagawad Lito Diaz na linalamon na ng apoy ang dalawang sasakyan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, pinaniniwalaang sinadyang sunugin ang sasakyan ng hindi pa nakikilalang mga suspek.
Ngunit ayon kay Spaña, may nakita umano si Diaz na dalawang lalaking tumatakbo palayo sa nasusunog na sasakyan at kalauna’y humarurot gamit ang kanilang motorsiklo.
Kung kaya ito rin ang hinihinalang nanunog sa mga sasakyan.
Dagdag pa ng opisyal, wala naman umanong natatandaang kaaway ang negosyante kung kaya palaisipan pa rin sa ngayon ang motibo ng mga suspek.
Samantala, hindi pa naman tukoy kung ilan ang kabuuang halaga ng pinsalang tinamo ng truck at jeep.
Sa ngayon, patuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa nasabing insindente.