Ipagbabawal muna ng mga otoridad ang pagdaan ng mga trucks at closed vans sa ilang pangunahing kalsada sa Metro Manila at ilang bahagi ng Clark, Pampanga sa pagitan ng November 12 hanggang November 15 kasabay ng 31st Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) Summit.
Ayon sa ASEAN Committee on Security, Peace and Order, and Emergency Preparedness and Response, ang lahat ng heavy-duty vehicles ay hindi muna papayagan na dumaan sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) at sa North Luzon Expressway (NLEX) mula Clark, Pampanga hanggang Balintawak sa Quezon City upang bigyang daan ang mga ASEAN delegates.
Nagpaliwanag si Department of the Interior and Local Government Officer-in-Charge Catalino Cuy na ang mga trucks at closed vans ay bawal ding dumaan sa EDSA, mula Balintawak hanggang sa bahagi ng Magallanes interchange sa lungsod ng Makati.
Sinabi pa ni Cuy, mula November 11 hanggang November 15, asahan na ng mga motorista ang minsan ay mabigat na daloy ng trapiko sa mga tinaguriang designated ASEAN lanes sa lungsod ng Makati. Ito ay ang mga sumusunod: Arnaiz Ave., Makati Ave., Parkway Drive at sa kahabaan ng EDSA sa siyudad ng Makati.
Sa nasabi ring petsa ay magkakaroon ng rerouting na ipapatupad sa Sen. Jose W. Diokno Boulevard, Jalandoni St., V. Sotto, Bukaneg, at A. Dela Rama sa Cultural Center of the Philippines Complex (CCP) sa Pasay City.
Ipatutupad naman ang lockdown sa buong CCP Complex para sa publiko mula November 11 hanggang November 15, dahil sa itinalaga ito bilang designated ASEAN Delegates Zone.
Nilinaw pa ng committee na mararanasan din ang “occasional traffic disruptions†sa mga lungsod ng Mandaluyong at Quezon City.
Dahil dito patuloy ang panawagan ng DILG sa publiko na kung maaari iwasan na lamang ang mga nabanggit na lugar at maghanap ng alternatibong mga ruta habang isinasagawa ang ASEAN Summit sa Pilipinas.
Bukas simula na ang “no sail zone” sa Manila Bay na magtatapos hanggang sa November 16.
Liban dito umiiral na rin sa NCR ang gun ban, maging sa Region 3 at Region 4-A na magtatapos hanggang November 15
Mahigit sa 20 world leaders ang tutungo ng Pilipinas kabilang na si U.S. President Donald Trump na mananatili sa bansa ng tatlong araw.