-- Advertisements --

LAOAG CITY – Dead on the spot ang isang lalaki matapos pagbabarilin sa ulo ng riding-in-tandem suspects sa harap mismo ng San Antonio Holiness Church sa Barangay 8, San Antonio sa bayan ng Sarrat dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Nakilala ang biktima na si Erickson Agmata, 45-anyos, may asawa, truck driver, at residente rin sa nasabing barangay.

Ayon kay Barangay Chairman Edison Bolibol sa Barangay 8 sa bayan ng Sarrat, pauwi na ang biktima subalit nakita nito ang isa niyang kaibigan kaya tumigil muna ito, kung saan habang naguusap ang dalawa ay bigla na lamang may bumaril sa ulo ni Agmata ng dalawang beses na ikinamatay niya agad.

Sinabi ni Bolibol na walang masamang rekord ang biktima sa kanilang barangay at wala rin itong sinusuportahang pulitiko dahil hindi mahilig sa pulitika, kaya palaisipan sa kanila kung bakit nila ito pinatay.

Samantala, emosyonal ding sinabi ni Mrs. Nely Agmata na wala silang maisip na dahilan kung bakit nila pinatay ang kanyang asawa dahil wala itong sinasabing problema, nakaaway o banta sa kanyang buhay.

Lumalabas na ang ginamit sa krimen ay calibre 45 na baril at may dalawang basyo na nakuha ng mga otoridad sa pinangyarihan ng krimen.

Sa ngayon ay patuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad hinggil sa pagkakakilanlan sa mga suspek at kung ano ang motibo sa nangyaring pamamaril.