LEGAZPI CITY – Nahulog sa bangin ang 6-wheeler truck na sinasakyan ng nasa 22 kasapi ng Philippine Army sa Brgy. Hidhid, Matnog, Sorsogon.
Lulan nito ang tropa ng Alpha Company ng 22nd Infantry Batallion na patungo sana sa relief operation sa coastal barangay ng Bonot.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PMaj. Jabesh Napolis, hepe ng Matnog PNP, nawalan umano ng kontrol sa manibela ang driver ng truck matapos na mag-loose ang preno sa pakurbang bahagi ng daan.
Nakabig rin umano nito ang sasakyan na bumulusok sa 25 talampakang taas ng bangin.
Pahirapan ang naging rescue operation sa tropa na umabot ng halos apat na oras habang nagtulong-tulong na ang mga barangay officials katuwang ang mga local disaster management officials sa mga kalapit na bayan ng Irosin, Juban, Sta. Magdalena, Bulan, Casiguran maging ang tropa ng Bureau of Fire Protection (BFP), pulisya at militar.
Agad namang dinala sa mga pagamutan ang mga nagtamo ng sugat sa insidente na ngayo’y nilalapatan na ng lunas.