BACOLOD CITY – Nasa kustodiya na ng San Carlos City Police Station ang truck driver na sangkot sa trahedya kung saan nahulog sa bangin ang mini canter ng isang pamilya na nagresulta sa pagkamatay ng tatlong katao sa Lungsod ng San Carlos, Negros Occidental.
Una rito, aabot sa 20 katao ang sakay ng canter na kinabibilangan ng ilang menor de edad at galing ang mga ito sa pamamanhikan sa bayan ng Calatrava bago naaksidente sa Barangay Codcod, San Carlos, pasado alas-4:00 ng hapon kahapon.
Sa panayam sa traffic investigator ng San Carlos City Police Station na si Police Master Sergeant Joniber Sapanta, minamaneho ng isang Rolanda Amaca ang truck nang mawalan ito ng preno at nahulog sa bangin na dumiretso sa sapa.
Kinilala ang mga namatay na pawang babae na sina Jenalyn Lubrido Capriano, 40-anyos; Maricel Dalmacio Lubrido; at Haide Cantoy Lubrido, 53.
Anim naman ang nananatili sa ospital habang naging out-patient ang iba pang sugatan.
Suwerteng hindi nakasama sa mga naaksidente ang groom to be na si Weljun Balbuena dahil nagpaiwan ito sa bahay ng kanyang nobya ngunit nang malaman nito ang aksidente ay agad din itong tumungo sa San Carlos City.
Ang truck driver ay kamag-anak lang din ng mga sugatan at namatay.