Nagdesisyon ang administrasyong Trump na palawigin pa ang humanitarian protection para sa ilang mga Yemenis na nananatili sa Estados Unidos ng karagdagang 18 buwan.
Sa pasyang ginawa ni acting Homeland Security Secretary Chad Wolf, pahahabain pa hanggang Setyembre 3, 2021 ang Temporary Protected Status para sa Yemen.
Dahil dito, magbibigay ang Washington ng temporary immigration status sa mga indibidwal na hindi makauwi sa kanilang mga bansa dahil sa gulo o sakuna.
Ayon kay Oxfam America humanitarian policy lead Noah Gottschalk, bagama’t ikinagagalak nila na pinatagal pa ng gobyerno ng US ang proteksyon sa mga Yemenis, dismayado raw sila dahil sa pagkabigo umano ng administrasyon na i-redesignate ang bansa para sa temporary protected status.
Sa datos mula sa Oxfam, nasa 1,250 Yemenis ang naninirahan ngayon sa Estados Unidos.
Una nang idineklara ng United Nations na ang sitwasyon sa Yemen ang pinakamalalang humanitarian crisis ngayon sa buong mundo dahil sa mahigiti 22-milyong katao ang nangangailangan ng tulong at proteksyon. (CNN)