Nakahanda na ang kampo nina US Vice President Kamala Harris at dating US President Donald Trump para sa kanilang unang debate.
Gaganapin ito ng alas-9 ng umaga sa Miyerkules oras sa Pilipinas sa National Constitution Center ng Philadelphia.
Sa ginagawang paghahanda ni Harris ay kinausap niya sina US President Joe Biden at dating US First Lady Hillary Clinton na nakaharap na si Trump sa mga debate.
Naghahanda rin si Harris sa anumang insulto na maaari ibato sa kaniya ni Trump.
Naniniwala ang kampo ni Harris na sa nasabing debate ay magkakaroon na ng desisyon ang mga tinagurian na undecided voters.
Sa panig naman ni Trump ay sinabi nito na hindi na niya kailangan pa ang anumang pormal na paghahanda dahil nagkaroon na ito ng pagpupulong sa senior advisers, policy experts at mga kaalyado.
Ibinahagi naman ni campaign spokesperson ni Trump na si Jason Miller ang ilang mga paksa na ibabato nila kay Harris.
Kinabibilangan ito ng maling paghawak niya ng US-Mexico border, Illegal Immigration, pagbawi sa mga sundalo ng US na nakatalaga sa Afghanistan at ang paghina ng ekonomiya.