-- Advertisements --

Nakatakdang magka-usap sina US President Donald Trump at Russian President Vladimir Putin ngayong linggo kaugnay sa ceasefire sa Ukraine-Russia war, ayon kay US envoy Steve Witkoff.

Ito na ang magiging ikalawang pag-uusap ng dalawang lider simula nang maupo sa ikalawang termino si Trump noong Enero.

Unang nagka-usap sina Trump at Putin noong Pebrero kung saan nagkasundo ang dalawa na simulan ang high-level talks kaugnay sa pagwawakas ng giyera sa Ukraine.

Naniniwala naman ang US envoy na magiging maganda at positibo ang kalalabasan ng magiging paguusap nina Trump at Putin ngayong linggo.

Hindi naman malinaw pa kung magpapasya ang dalawang lider sa pagsulong ng 30 araw na ceasefire na ipinanukala ng US.

Nauna na ngang pumayag ang Ukraine para sa naturang kasunduan habang sinabi naman ni Putin na sinusuportahan nila ang naturang panukala subalit naglatag ng ilang serye ng mga kondisyon bago pumayag sa ceasefire deal.