Nagkaroon ng pagkakataon na makapag-usap si US President Donald Trump at Ukrainian leader Volodymyr Zelenskiy ilang minuto bago ang pagsisimula ng libing ni Pope Francis sa Vatican City.
Ito ay upang subukang buhayin ang naudlot na pagsisikap na wakasan ang digmaan sa pagitan ng Russia at Ukraine.
Nakapwesto ang dalawang lider sa loob ng St. Peter’s Basilica — kung saan nagpulong ang mga ito sa loob lamang ng 15 minuto, ayon sa opisina ni Zelenskiy na sila ring naglabas ng larawan ng meeting.
Tinawag naman ng tagapagsalita ng White House na “very productive” ang pag-uusap ng dalawa.
Sa post ni Zelenskiy, nagpasalamat ito kay trump dahil sa isang “very symbolic meeting”
Marami aniya silang napag-usapan kabilang ang pagprotekta sa buhay ng kanilang nasasakupan, isang kumpleto at unconditional ceasefire — kung saan umaasa siyang magkakaroon ito ng resulta.
Ito ang muling pagtatagpo ni Trump at Zelenskiy matapos na magkaroon ng mainit na sagutan ang dalawang lider sa pulong sa Oval Office sa White House noong Pebrero.