Nagpalitan ng patutsada si US President Donald Trump at kanyang karibal sa halalan na si Joe Biden kaugnay sa karahasang sumiklab sa nangyaring protesta sa Portland, Oregon.
Sa serye ng mga pahayag sa social media, sinabi ni Trump na mahihirapan daw makabangon sa krisis ang Portland dahil wala raw ginawang mabuti ang mayor ng siyudad na si Ted Wheeler.
Nagpahiwatig din si Trump na posible siyang magpadala ng federal forces para makatulong sa pagpapanatili ng kapayapaan sa lungsod.
Hindi rin nakaligtas sa banat ni Trump si Biden kung saan hindi raw willing mamuno ang kanyang katunggali sa pagkapangulo ng Amerika.
“The people of Portland, like all other cities and parts of our great Country, want Law and Order. The Radical Left Democrat Mayors, like the dummy running Portland, or the guy right now in his basement unwilling to lead or even speak out against crime, will never be able to do it!” saad ni Trump.
Sa panig naman ni Biden, iginiit nito na tila hinihimok pa raw ni Trump na may mangyaring karahasan.
“[Trump] may believe tweeting about law and order makes him strong – but his failure to call on his supporters to stop seeking conflict shows just how weak he is,” ani Biden.
Samantala, iniimbestigahan na ng mga otoridad ang nangyaring pagbaril-patay sa isang indibidwal sa bahagi ng Portland matapos ang nangyaring komprontasyon sa pagitan ng mga tagasuporta ni Trump at mga ralyista na kontra sa police brutality.
Sa ngayon, hindi pa naglalabas ng mga detalye ang pulisya hinggil dito. (BBC/ CNN)