Nagbigay ng 30 araw na palugit si US President Donald Trump sa World Health Organization para pagbutihin ng ahensya ang pangangasiwa nito sa coronavirus outbreak.
Sa liham nito para kay WHO Director-General Tedros Ghebreyesus, nagbabala ito na tuluyang puputulin ng Amerika ang pagbibigay ng pondo sa WHO kung hindi umano nito aayusin ang kanilang trabaho.
Malinaw daw kasi ang mga ebidensyang nakalap ng Trump administration na paulit-ulit ang nagawang pagkakamali ng organisasyon hinggil sa pagtugon nito sa pandemic na naging problema ng buong mundo.
“The only way forward for the World Health Organization is if it can actually demonstrate independence from China,” saad sa sulat.
Pinipilit ng White House na ipinagsasa-walang bahala lamang daw ng Beijing ang banta ng COVID-19 noong Disyembre.
Amerika ang pinaka-malaking single donor ng WHO kung saan tinatayang aabot ng halos $400-$500 milyon kada taon ang kanilang kontribusyon samantalang $40 million lamang ang sa China.
Buwan ng Abril nang ianunsyo ng US na pansamantala nitong ititigil ang pagpopondo sa WHO upang magbigay-daan sa isasagawa nitong 60-90 araw na imbestigasyon laban sa ahensya.
Nakasaad din sa naturang sulat ang listahan ng mga pagkukulang ng ahensya na ayon kay Trump ay maiiwasan sana kung nasa tamang pamumuno.
Nakapaloob din dito na kakailanganin ng mga bansa na i-report sa International Health Regulations ang risk ng health emergency sa loob ng 24 oras.
“By the time you finally declared the virus a pandemic on March 11, 2020, it had killed more than 4,000 people and infected more than 100,000 people in at least 114 countries,” dagdag pa ng liham.