Bubuo ng dalawang Executive Order (EO) si US President Donald Trump para sa programa nitong tanggalin ang diversity, equity, at inclusion (DEI), partikular sa military base ng U.S.
Ang isang EO ay magbabawal sa mga transgender na maglingkod sa U.S. military at nais din ni Trump na alisin ang naunang direktiba ni former president Joe Biden noong 2021 na nagpapahintulot sa mga transgender na magsilbi sa militar.
Ang naturang bagong EO ay magbibigay pa ng mas mahigpit na mga patakaran tungkol sa paggamit ng mga pronoun at gender identity, at tuluyang pagbabawal sa mga transgender na maglingkod sa militar.
Ayon pa sa White House bahagi lang aniya ito ng isang mas malawak na laban kontra sa tinatawag ni Trump na “gender insanity”.
Bukod pa rito, plano ring ibalik ni Trump ang mga kasapi ng militar na tinanggal dahil umano sa pagtanggi sa COVID-19 vaccine mandate, at bibigyan niya ang mga ito ng back pay at ibabalik din ang kanilang ranggo.
Malugod namang pinagmalaki ng White House na ang kautusan na ito ay isang pagbabago aniya sa polisiya ng militar upang magbigyang-prayoridad ang merit-based hiring at alisin ang mga accommodation para sa mga hindi nakakamit ang mga pisikal na pangangailangan ng serbisyo.
Magbibigay-prayoridad din aniya ito sa mga grupo tulad ng minorya, kababaihan, at mga may kapansanan sa pagkuha ng trabaho.
Samantala ayon sa ulat ng Bombo Kalibo base sa impormasyon ni Bombo International Correspondent Pinoy Gonzales ng Texas, USA, tinatayang aabot sa higit 15,000 na transgender ang tatanggalin umano sa US military, kahit pa matagal ito sa serbisyo, mataas o mababa ang ranggo.