Naniniwala umano si U.S. President Joe Biden na hindi na dapat makatanggap pa ng classified intelligence briefings si dating U.S. President Donald Trump.
Ito ay may kaugnayan sa ipinakita raw na pag-uugali ni Trump na naging dahilan ng kaguluhan sa Capitol Hill noong nakaraang buwan.
Ayon kay Biden, dapat tuldukan na ang naging tradisyon para sa mga nagdaang pangulo ng Estados Unidos kung saan maaari silang humingi o tumanggap ng intelligence briefings.
Una nang sinabi ng isang senior administration official na hindi pa nagbibigay ng requests si Trump ukol sa nasabing paksa.
Kilala raw kasi si Trump na hindi regular na nagbabasa ng President’s Daily Brief, ang highly classified summary ng mga sikreto ng Amerika, noong siya pa ang namumuno sa nasabing bansa.