-- Advertisements --

Ipinahayag ni President-elect Donald Trump na bibigyan niya ng 90-araw na extension ang TikTok mula ng ma-ban ito na magsisimula ngayong araw ng Linggo, Enero 19, 2025, isang araw bago ang ika-47 inauguration ni Trump sa Lunes bilang pangulo ng Estados Unidos.

Sa isang panayam, sinabi ni Trump na ang extension ay angkop at malamang na magbibigay siya ng pormal na anunsyo kapag siya ay nanumpa na sa pwesto. Inulit niya ang parehong pahayag sa isang panayam nito sa local news kung saan binigyang-diin niya ang magiging desisyon nito hinggil sa naturang isyu.

‘The 90-day extension is something that will be most likely done, because it’s appropriate. You know, it’s appropriate. We have to look at it carefully. It’s a very big situation,’ Ani Trump sa isang phone interview sa NBC News.

Ito ay kasunod ng isang desisyon mula sa Korte Suprema ng Estados Unidos na nagbabawal sa TikTok maliban na lamang kung ang parent company nitong Chinese na ByteDance ay magbebenta ng platform bago ang nakatakdang araw nito ng pag-ban ngayong araw, Enero 19.

Pero tumanggi ang ByteDance na ibenta ang naturang platform.

Bilang tugon, nagbabala ang TikTok na maaaring magdilim o hindi na maaring magamit ng sino man sa Amerika kung hindi bibigyan ng katiyakan ng administrasyong Biden ang mga service provider na hindi ipatupad ang pagbabawal na gamitin ito para sa mga Amerikano.

Tinawag ng tagapagsalita ng White House na si Karine Jean-Pierre na isang “stunt” ang babala ng TikTok at sinabi na ang pagpapatupad ng batas ay responsibilidad na ng paparating na administrasyong Trump. Binanggit din niya na malinaw na naiparating ng administrasyong Biden ang kanilang posisyon at anumang alalahanin ay dapat harapin na ng bagong administrasyon.