Kaagad na binato ng kritisismo ng mga Democrats ang naging pahayag ni US President Donald Trump na itinuturing umano nito bilang isang karangalan ang pangunguna ng Estados Unidos sa mga bansang may pinakamaraming kaso ng coronavirus disease sa buong mundo.
Giit ni Trump na isa itong patunay na habang tumataas ang naitatalang COVID-19 positive sa Amerika ay mas maraming Amerikano ang sumasailalim sa test kada araw.
Hindi raw niya ito tinitingnan ng bilang isang negatibong bagay bagkus ay dapat pa raw itong ikatuwa dahil matagumpay ang isinasagawang testing sa buong Amerika.
Ayon sa Democrats, ang pagpalo ng coronavirus cases sa 1.5 million ay malaking ebidensya ng pagpalpak ng administrasyon labanan ang pagkalat ng nakamamatay na virus.
“When we have a lot of cases, I don’t look at that as a bad thing, I look at that as, in a certain respect, as being a good thing,” wika ni Trump.
“Because it means our testing is much better. I view it as a badge of honor, really, it’s a badge of honor.”
Una na ring ipinagmalaki ng American president at ng kaniyang mga ka-alyado na di hamak daw na mas maganda ang testing abilities ng US kumpara sa South Korea.
Gayunman, hindi maikakaila ang malaking pagkakaiba sa pagitan ng dalawa. Sa ngayon kasi ay mas mabilis ang ginagawang testing ng South Korea kung saan malinaw na makikitang halos kalahati lamang ng populasyon ng nasabing bansa ang naitatalang per capita infection rate nito.