Nanindigan ang White House na walang ginagawang mali si US President Donald Trump matapos ang pagboto ng US House of Representatives pabor sa pagsisimula ng impeachment process laban sa pangulo ng Amerika.
Sa isang pahayag, sinabi ng White House na ang nasabing proseso ay tahasan umanong pagtatangka upang sirain si Trump.
Hindi rin naiwasang magkomento ni Trump kung saan sa kanyang tweet ay tinawag nitong “Greatest Witch Hunt In American History” ang naturang development.
Bago ito, sa botong 232-196, nanaig ang suporta para sa impeachment sa US House na kontrolado ng mga Democrats.
Matatandaang inaakusahan si Trump na pine-pressure ang Ukraine sa pag-iimbestiga sa umano’y kurapsyon ng karibal nito sa pulitika na si dating Vice President Joe Biden at ng kanyang anak na nagsilbing director ng Ukrainian energy company na Burisma.
Mariin namang itinanggi ni Trump ang mga paratang.
Nakasaad sa resolusyon ang bagong “public phase” ng impeachment process at maaaring mapanood ang mga pagdinig sa telebisyon.
Maliban dito, nakatakda rin dito ang mga karapatang makukuha ng mga tatayong legal counsel ni Trump.
Sinabi ni House intelligence chairman Adam Schiff, mas mainam daw ito upang marinig ng mga mamamayan ng Estados Unidos ang pahayag ng mga tatayong witness.
Bago naman ang botohan, sinabi ni House Speaker Nancy Pelosi na titiyakin daw nito na mababatid ng publiko ang katotohanan sa isyu.
“I don’t know why the Republicans are afraid of the truth,” ani Pelosi.