-- Advertisements --
DONALD TRUMP IRELAND 2

Ikinagulat ng lahat ang ginawang pamamahiya ni Irish Prime Minister Leo Varadkar kay US President Donald Trump sa unang araw ng pagbisita ng presidente sa Ireland.

Bigla na lamang kasing inungkat ni Trump ang usapin patungkol sa Brexit deal habang nakikipag-usap ito sa international press kung saan tahasan niyang inilahad ang kanyang suporta sa tuluyang pagkalas ng United Kingdom sa European Union.

Dahil sa ginawang ito ni Trump ay hindi na nakapagpigil pa si Varadkar at sumingit na ito sa gitna ng pagsasalita ng presidente. Ayon kay Varadkar, nais umano ng Ireland na umiwas sa kahit anong border wall na maaaring maglayo sa Ireland at kahit anong bansa.

Tila nag-iba naman ang ihip ng hangin para kay Trump matapos siyang pangaralan ni Varadkar sa harap ng maraming tao. Pag-kambyo nito, tama lamang daw na umiwas ang Ireland sa border issues dahil maganda naman ang kasalukuyang lagay ng naturang bansa.

Mayroong malaking implikasyon ang Brexit para sa bansang Ireland kung saan ito ay ang paghihiwalay ng Republic of Ireland at Northern Ireland. Ang Northern Ireland ay parte ng United Kingdom simula pa noong 1801.

Sa ngayon, ang parehong rehiyon ay parte ng European Union ngunit kung sakaling matuloy ang pagkalas ng UK sa EU ay ibig sabihin lamang nito na mananatiling kasapi ng European Union ang Republic of Ireland at hindi ang Northern Ireland.

Ang pagbabagong ito ay maaaring magsimula ng komplikasyon sa pagitan ng dalawang rehiyon lalong lalo na sa larangan ng kalakalan.