Inatasan ni U.S. President Donald Trump ang pagsasara ng Millennium Challenge Corporation (MCC), isang ahensiya ng Estados Unidos na namuhunan ng bilyon-bilyong dolyar sa mga proyektong pang-imprastruktura sa mga umuunlad na bansa kapalit ng mabuting pamamahala.
Ayon sa mga ulat, agad na ihihinto ng MCC ang mga proyekto sa buong mundo, kabilang ang pagtatayo ng mga kalsada at modernisasyon ng mga grid ng kuryente. Magkakaroon lamang ng pansamantalang extension sa apat na bansa tulad ng Ivory Coast, Mongolia, Nepal, at Senegal ito’y upang tiyaking ligtas ang mga construction sites.
Ang pagsasara ay bahagi ng “cost-cutting” sa ilalim ng Department of Government Efficiency ni Elon Musk. Karamihan sa mga empleyado ng MCC ay pinangangambahang mawawalan ng trabaho.
Una nang ipinahayag ni Trump ang kanyang kawalan ng interes sa sub-Saharan Africa at pagtutol sa mga programang pang-kaunlaran, na aniya’y hindi direktang nakikinabang ang Estados Unidos. Bago pa man ipasara ang Millennium Challenge Corporation (MCC), ay nauna nang isinara nito ang US Agency for International Development (USAID).
Binatikos naman ito ng publiko at sinabing ito ay pagbibigay-daan sa lumalawak na impluwensiya ng China, na kamakailan lamang ay nangakong maglalaan ng karagdagang $51 billion sa Africa.
Sa kasalukuyan ay ‘wala pang tugon ang white house hinggil sa isyu.