Kinondena ni U.S. Democratic House Speaker Nancy Pelosi ang pag-abswelto ng Senado kay US President Donald Trump hinggil sa dalawang impeachment articles na inihain laban dito .
Sa inilabas na pahayag ng House Speaker ilang oras lamang matapos ang botohan, sinabi nito na tila naging normal na lamang sa Amerika ang hindi pagsunod sa batas.
Itinuturing din umano ni Pelosi ang American president bilang isa sa pinaka-malaking banta sa tinatamasang demokrasya ng Estados Unidos.
Dagdag pa ni Pelosi hindi raw malabo na kayang dayain ni Trump ang resulta ng gaganaping 2020 presidential election.
Hindi na rin nakapagpigil si 2016 US Democratic Party Hillary Clinton na sisihin ang ilang Republican senators dahil sa di-umano’y pagtalikod nila sa kanilang sinumpaang tungkulin na pangalagaan ang kontitusyon.
Ngunit taliwas ito sa inaasahan ni Clinton dahil 52 sa mga mambabatas ang bumoto na mapawalang-sala si Trump.
Ayon pa kay Clinton, inilagay ng mga mambabatas sa delikadong posisyon ang Amerika dahil sa kanilang desisyon.