-- Advertisements --

Inanunsiyo ni US President-elect Donald Trump ang kaniyang pagtatalaga sa heart surgeon at TV personality na si Dr. Mehmet Oz o mas kilala sa tawag bilang “Dr. Oz” para pamunuan ang US Centers for Medicare and Medicaid Services.

Ang naturang federal agency na pamumunuan ni Oz ay isang federal agency na nagbibigay ng health coverage sa mahigit 160 million Americans, halos kalahati ng populasyon ng bansa.

Sa isang statement, sinabi ni Trump na nakilala niya si Dr. Oz sa loob ng maraming taon at kumpiyansa siyang sisiguruhin ni Oz na makakatanggap ng pinakamahusay na Healthcare ang lahat ng mamamayan ng Amerika upang maging mahusay at malusog muli ang kanilang bansa.

Inihayag din ni Trump na si Dr. Oz ay magiging isang lider aniya sa pagi-insentibo sa Disease Prevention upang magkaroon ng pinakamahusay na resulta sa buong mundo para sa bawat dolyar na kanilang ginugugol para sa Healthcare sa kanilang bansa.

Bukod dito, pipigilan din umano ni Oz ang “waste at fraud” sa loob ng pinakamahal na Government Agency sa kanilang bansa na one-third umano ng kanilang pondo sa Healthcare at one-fourth ng kanilang buong National Budget.

Sinabi din ni Trump na humaharap ngayon ang Amerika sa Healthcare crisis at walang iba umanong Physician ang mas kwalipikado at may kakayahan na hihigit kay Oz para gawing malusog muli ang Amerika.

Maaalala na nauna na ring itinalaga ni Trump sa kaniyang unang termino bilang Pangulo si Oz noong 2018 sa Presidential Council on Sports, Fitness and Nutrition at muling itinalaga sa naturang posisyon noong 2020.