Itinanggi ni dating US President Donald Trump ang federal charges na ibinabato laban sa kaniya dahil umano sa pagtatago nito ng mga sensitibong dokumento na pag-aari ng gobyerno.
Ginawa ni Trump ang naturang pahayag ilang oras matapos na maghain ng not guilty plea sa pagbasa ng sakdal laban sa kaniya sa Miami, Florida.
Sa pagharap ni Trump sa kaniyang mga supporters sa kaniyang golf club sa Bedminster, New Jersey, itinanggi nito ang mga kaso at iginiit na dapat ibasura ang mga ito.
Tinawag din ng dating Pangulo ng Amerika na politically motivated persecution ang federal cases at inakusahan si US President Joe Biden ng pagtatangkang sirain ang kaniyang kandidatura para sa US presidential election sa 2024.
Ngayong araw inilabas ng US Justice Department ang indictment sa 37 criminal charges laban kay Trump kabilang ang 31 charges sa ilalim ng Espionage Act.
Sa naturang indictment, inakusahan si Trump kabilang ang kaniyang aide na si Walt Nauta na nagtago ng classified records, ilang dokumento na naglalaman ng mga sensitibong national security information at hinarangan umano ang pagtatangkang marekober ang mga dokumento.
Subalit hindi naman itinanggi ni Trump na itinago nito ang classified documents sa kabila ng mga requests at subpoena sa kaniya para isauli ang mga dokumento sa National Archives.
Ilang ulit namang sinabi ni Trump na entitled ito sa classiffied documents sa ilalim ng Presidnetial Records Act at na-declassify ang mga ito bago siya umalis sa pwesto bilang Pangulo ng Amerika.