-- Advertisements --
gregg popovich
San Antonio Spurs coach Gregg Popovich

Hindi pinalampas ni US President Donald Trump na makisawsaw din sa isyu nang iringan sa pagitan ng NBA at China.

Ito ay makaraang kantiyawan ni Trump sina Golden State Warriors coach Steve Kerr at San Antonio Spurs coach Gregg Popovich na nabahag daw ang buntot sa China.

Tinukoy ni Trump na natameme raw kasi ang dalawang beteranong coach nang matanong ukol sa kontrobersiya na kinasangkutan ng general manager ng Houston Rockets na sinuportahan ang mga nagpoprotesta sa Hong Kong, bagay na ikinagalit ng China.

“He couldn’t answer the question – he was shaking, ‘Oh, oh, oh, I don’t know. I don’t know,'” ani Trump. “He didn’t know how to answer the question, and yet he’ll talk about the United States very badly.”

“I watched Popovich – sort of the same thing, but he didn’t look quite as scared actually,” kantiyaw naman ni Trump sa coach din ng USA Basketball. “But they talk badly about the United States, but when it talks about China, they don’t want to say anything bad. I thought it was pretty sad, actually. It’ll be very interesting.”

trump
US Pres. Donald Trump

Sina Kerr at Popovich ay kapwa mga kritiko ni Trump.

Ang isa pang player ng Warriors na Trump critic na si Stephen Curry ay tinanggihan din noon ang imbitasyon na White House visit nang magkampeon sila.

Samantala, umani naman ng protesta sa ilang mga fans ang exhibition game ng Guangzhou Loong Lions ng Chinese Basketball Association kontra sa Wizards na ginanap sa Washington DC.

Pinagmumura ng ilang mga fans ang Chinese team kung saan kabilang sa kanilang isinisigaw ay “Free Hong Kong” at “Freedom of Speech.”

Sa kabilang dako ang preseason games ngayong araw sa Shanghai sa pagitan sana ng Los Angeles Lakers at Brooklyn Nets ay kinansela dahil pa rin umano sa galit ng China.

Sinasabing natuloy naman ang practice ng Lakers pero isinara na ito sa media.

Maging ang nakatakdang media sessions kasama ang mga NBA players ay nakansela na rin.

Magsasalpukan sana ang Lakers at Nets para sa kanilang unang dalawang preseason games na magaganap sa China.

Napaulat naman ngayon na umaabot na sa 11 mga kompaniya sa China ang pinutol na rin ang ugnayan sa NBA.

Una na ring kinumpirma ng Chinese state television na CCTV na pansamantala na rin nilang puputulin ang anumang broadcast arrangements sa mga pre-season games ng NBA sa China.

STEPHEN CURRY KERR
Warriors coach Steve Kerr and superstar Stephen Curry