-- Advertisements --

Handa umano si Kim Jong-un na ipagpatuloy ang negosasyon ng North Korea at ng Estados Unidos sa kanilang nuclear at missile programs.

Ayon kay US President Donald Trump, sinabi raw sa kanya ni Kim na ititigil din umano nila ang isinasagawa nilang missile testing sa oras na matapos na ang military exercise ng Amerika at South Korea.

“I look forward to seeing Kim Jong Un in the not too distant future!” pahayag ni Trump sa Twitter.

Nitong Sabado nang magpakawala umano ng dalawang short-range missiles ang Pyongyang, ayon sa South Korea.

Sa pahayag ng Joint Chiefs of Staff (JCS) ng Seoul, posible raw na masundan pa ang paglulunsad ng mga missile lalo pa’t nagsasagawa ng sarili nilang summer drills ang North Korean military.

Sa kanyang tweet, sinabi ni Trump na nagpadala raw sa kanya si Kim ng liham na nagsasabing nais daw nitong makipagpulong sa kanya kapag natapos na ang aniya’y “ridiculous and expensive” US-South Korea exercises.

Dagdag ni Trump: “It was also a small apology for testing the short range missiles, and that this testing would stop when the exercises end.”

Ang missile launches nitong nakalipas na araw ay pinakahuli sa serye ng tests na ginawa ng Pyongyang na naging sanhi upang magduda ang ilan sa kahihinatnan ng dayalogo. (Reuters)