Napaaga ang alis sa Pilipinas ni US President Donald Trump.
Hindi na inantay pa ni Trump ang pagpupulong sana ng 12th East Asia Summit sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City.
Dahil dito pinaiwan na lamang niya ang US Secretary of State na si Rex Tillerson para ipagpatuloy ang pagdalo sa ilang naiwan niyang iskedyul.
Nagulat na lamang ang ilang mamamahayag sa International Media Center na nasa ‘di kalayuan nang pomosisyon na ang Marine One at escort na chopper sa Cultural Center of the Philippines (CCP) complex upang ihatid ang Presidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) kung saan doon naman nag-aantay ang Air Force One.
Pasado alas-3:00 ng hapon nang lumipad ang presidential plane.
Una rito pasado alas-4:00 pa sana ng hapon ang orihinal na schedule ng Pangulo sa kanyang paglipad bilang last leg ng kanyang unang Asian trip.
Bago umalis si Trump sa CCP complex ay nagpalabas pa ito ng statement sa kanyang Twitter account.
Pinasaringan pa ang nakaraang administrasyon ng Estados Unidos.
Sa kaniyang Twitter post, sinabi nito na nasa final stop na siya ng pakikipagpulong sa mga world leaders.
Dito ay inaasahan niyang makakabuo ng “fair trade deals,†na hindi raw nangyari sa aniya’y “horror shows†noong nakalipas na administrasyon.
Halatang ang tinutukoy niya ay ang nakalipas na Obama administration.
Ipinagmalaki rin nito na nagkaroon siya ng maraming mabuting kaibigan sa pagdalo sa ASEAN summit.
“Just arrived at #ASEAN50 in the Philippines for my final stop with World Leaders. Will lead to FAIR TRADE DEALS, unlike the horror shows from past Administrations. Will then be leaving for D.C. Made many good friends!†saad ng Twitter post ni Trump.
Sa sumunod niyang Twitter post, idineklara niya ang matagumpay na pagbisita sa Pilipinas at excited na raw siyang bumalik ng Amerika.
Meron din daw siyang major statement na ibibigay sa White House sa kanyang pagbabalik.