-- Advertisements --

Kumambyo si US President Donald Trump hingil sa una nitong pahayag na mas lalo niyang hihigpitan ang ipinataw nitong sanctions sa mining industry ng Iran.

Ayon kay Trump, handa umano siyang makipagpulong sa mga opisyal ng Iran upang ayusin ang agreement sa pagitan ng dalawang bansa.

Duda naman ang ilan na makikipagpulong ang mga Iranian leaders sa pangulo ng Estados Unidos matapos nitong maka-ilang ulit na pagbantaan ang kanilang bansa.

Ito ay matapos kumpirmahin ng US na magpapadala ang mga ito ng isang aircraft carrier strike group at nuclear capable bombers sa Iran.

Una na rito ay nag-anunsyo ang Iran na hindi umano nila susundin ang mga napagkasunduan sa nuclear deal nito sa Washington. Inihayag din ng nasabing bansa na mas lalong hindi sila susunod sa 2015 deal kung hindi papayag ang iba pang bansa tulad ng Britain, China, France, Germany at Russia na luwagan ang sanctions sa Iran sa loob lamang ng 60 araw.

Ayon kay Iranian President Hassan Rouhani, layon ng ultimatum na ito na iligtas ang nuclear deal mula kay Trump na nagpataw ng sanctions na naging dahilan daw ng paghihirap sa kanilang bansa.