Nagbabala si US President Donald Trump na kakanselahin niya ang tinawag niyang ‘fragile’ ceasefire deal sa pagitan ng Israel at Hamas.
Ito ay kung hindi papalayain ng Hamas ang lahat ng natitirang mga bihag na nasa Gaza sa tanghali ng araw ng Sabado, Pebrero 15.
Nagbanta si Trump na kapag hindi maisasagawa ito, sinabi niya “all hell will break out”.
Nang matanong naman siya kung ano ang ibig sabihin niya dito, sinabi ni Trump na malalaman ng Hamas kung ano ang kaniyang ibig sabihin sakaling hindi ituloy ang pagpapalaya.
Ginawa ni Trump ang pahayag sa panayam sa kaniya ng mga reporter sa Oval office matapos niyang lagdaan ang panibagong mga serye ng executive orders.
Nilinaw naman ni Trump na nagsasalita siya para sa kaniyang sarili at maaaring i-override siya ng Israel.
Suspetsa naman ni Trump na maraming mga bihag ang patay na.
Ginawa ni Trump ang pahayag kasunod ng babala ng Hamas na pagpapahinto ng pagpapalaya sa mga bihag nang walang katiyakan kung hanggang kailan dahil umano sa mga paglabag sa ceasefire deal.
Samantala, sinabi din ni Trump na posibleng kaniyang ipapahinto ang pagbibigay ng tulong sa Jordan at Egypt kung hindi nila tatanggapin ang mga Palestinian refugees na ire-relocate mula sa Gaza.
Ito ay sa gitna ng plano ng US president na pagtake-over ng Amerika sa Gaza para sa paglilinis dito mula sa mga debris na iniwan ng giyera at muling pagtatayo sa naturang teritoryo.