-- Advertisements --

Nagbanta si US President-elect Donald Trump ng pagbawi sa kontrol sa Panama Canal.

Inakusahan kasi ni Trump ang Panama ng pagpapataw ng labis na singil sa paggamit ng naturang lagusan na nagbibigay daan sa mga barko na tumawid sa pagitan ng Pasipiko at Atlantic Oceans.

Nagbabala din si Trump na hindi niya hahayaang mahulog sa maling kamay ang Panama canal at tila nagbanta din si Trump laban sa posibleng impluwensiya ng China sa naturang passage kung saan sinabi niyang hindi dapat na pangasiwaan ito ng China.

Una rito, malaking parte ng canal ay itinayo ng Amerika at pinamahalaan ang teritoryo sa palibot ng naturang lagusan ng ilang dekada. Subalit taong 1977, lumagda ang Amerika at Panama sa isang kasunduan na nagbigay daan sa pagbabalik ng buong kontrol sa Panama. Ipinasakamay naman ng US ang control sa naturang canal sa Panama noong 1999.

Ang naturang waterway ay mahalaga para sa US imports ng mga auto at commercial goods ng mga container ships mula sa Asya, at para sa US exports ng mga commodity kabilang ang liquefied natural gas.

Pumapalo hanggang sa 14,000 barko ang dumadaan dito kada taon na katumbas ng 2.5% ng pandaigdigang seaborne trade.