Binigyan ng isang buwang palugit ni US President Donald Trump ang China upang magkaroon na ng maayos na kasunduan patungkol sa trade talks ng dalawang bansa.
Ginawa ito ni Trump matapos ang bigong pagpupulong ni Chinese Premier Liu He sa ibang US officials upang babaan ang ipinataw na taripa sa mga produkto ng China na iniaangkat sa Estados Unidos.
Sa inilabas na pahayag ni US Trade Representative Robert Lighthizer, maglalabas umano sa Lunes ang administrasyon ng mga detalye tungkol sa plano nito sa taripa sa halos $300 bilyon na import goods ng China.
Ang kakulangan sa progresong ito ay nag-iwan ng malaking katanungan sa lahat ng naghihintay sa maaaring kalabasan ng nasabing deal.
Samantala, inihayag naman ni Liu He na hindi takot ang China sa kung ano man ang kalabasan ng nasabing pagpupulong ngunit ang tanging nais lang daw nila ay magkaroon ng pantay at may dignidad na pagdedesisyon.
Nagbigay din ng suhestyon si Trump na maaaring gamitin ang mga kinikita mula sa taripa upang bilhin ang mga pananim ng mga magsasaka sa Amerika na nalulugi dahil sa mga ineexport na produkto ng China at saka ipadala ito sa mga naghihirap na bansa bilang tulong pinansyal.