-- Advertisements --

Asahan pa rin na hahabulin umano ng kontrobersiya ang US Supreme Court nominee na si Brett Kavanaugh kahit tiyak na ang paglusot sa kanyang nominasyon sa Senado.

Una rito, nakakuha na ng sapat na boto na umabot sa 51 si Kavanaugh sa ginanap na botohan kaninang madaling araw matapos mabigong mapigilan ito ng mga Democratic senators (49 votes).

Umaalma kasi ang mga Democrats na kulang at hindi kompleto ang ginawang imbestigasyon ng Federal Bureau Investigation (FBI) sa sexual allegations na ibinabato sa nominee ni US President Donald Trump.

Ang bagay na ito ang naging basehan ng mga Republican senators upang sabihing walang matibay na ebidensiya at “corroborating witness” ang tatlong mga babaeng nagreklamo na umano’y nakaranas ng pangmomolestiya kay Kavanaugh noong estudyante pa sila noong dekada 80.

Umaangal ang mga Democrat senators na ilang mga testigo ang kanilang inirekomenda sa FBI ang hindi man lamang umano ininterview o inimbestigahan ng FBI.

Ito rin ang kabilang sa pinagbasehan ni Sen. Susan Collins kung kaya hindi siya sumama sa posisyon ng Democrats sa final vote.

“The facts presented do not mean that Professor Ford was not sexually assaulted that night or at some other time but they do lead me to conclude that the allegations failed to meet the more likely than not standard,” ani Collins sa kanyang 40-minutes speech.

Dahil sa napipintong pagpapatibay sa nominasyon ni Kavanaugh mapapabilang siya na ikasiyam bilang Supreme Court justice para magkaroon ng conservative majority na mahalaga sa pagpasa ng mga batas na kontrobersiyal.

Ilan sa mga isyung ito ay “LGBT rights, campaign finance, abortion” at usapin sa relihiyon.

Magsisilbi raw itong “swing vote” sa US Supreme Court.

Sinasabing makasaysayan ang mangyayari dahil kung sakali si Kavanaugh na ang ikalawang SC justice nominee ni US President Trump na nakalusot sa mga mambabatas.

Noong nakaraang taon ay nakapasa rin si Justice Neil Gorsuch.

Agad namang nagbunyi si Trump kung saan idinaan niya ang reaksiyon sa pamamagitan ng kanyang Twitter.

“Very proud of the U.S. Senate for voting ‘YES’ to advance the nomination of Judge Brett Kavanaugh!” ani President Trump, matapos maging opisyal ang final tally.