-- Advertisements --

h

image 500

Nakalaya din agad si dating US President Donald Trump mula sa Fulton County jail sa Atlanta, Georgia matapos arestuhin ngayong araw dahil sa kasong election subversion case nito sa Georgia.

Ito ay makaraaang pumayag si Trump sa bond na USD 200,000 at iba pang mga kondisyon sa paglaya nito na nauna ng inasikaso ng kaniyang mga abogado.

Kabilang dito ang hindi paggamit ng social media para takutin ang co-defendants nito o mga testigo sa kaso.

Binayaran ng cash ni Trump ang 10% ng kabuuang piyansa habang ang nalalabi pang halaga ay inareglo sa pamamagitan ng local Atlanta bonding company na Foster Bail Bonds LLC.

Una rito, base sa jail records ng Fulton County jail, nananatili ng 20 minuto si Trump sa nasabing jail facility kung saan mabilis na nakumpleto ang booking process o pagkuha ng mga impormasyon sa dating Pangulo kabilang ang makasaysayang mugshot nito.

Sa pagharap naman ni Trump matapos na maaresto at makalaya, sinabi nitong wala siyang ginagawang mali at alam aniya ito ng lahat at inilarawan ang criminal case laban sa kaniya bilang isang pagyurak sa hustisya.

Iginiit din ni Trump na mayroon itong karapatan na kwestyunin ang nagdaang halalan na sa tingin nito ay dinaya.