Naniniwala si dating US President at Republican candidate Donald Trump na dapat na maglunsad ng strike ang Israel sa nuclear facilities ng Iran bilang tugon sa sunud-sunod na pagpapakawala ng missile ng Iran sa Israel.
Ito ang naging sagot ni Trump nang matanong habang nasa kaniyang campaign event sa North Carolina kaugnay sa posibleng pag-target ng Israel sa nuclear program ng Iran.
Binanatan din ni Trump ang naging kasagutan ni US President Joe Biden nang matanong sa naturang usapin noong Miyerkules.
Nagpahayag kasi ng pagtutol si Biden sa posibleng strikes laban sa nuclear sites ng Iran.
Sinabi naman ni Trump na dapat na unahin na tamaan ang nuclear weapons na inilarawan niya bilang pinakamalaking banta.
Samantala, inihayag din ni Trump na nais niyang magkaroon ang Amerika ng iron dome na mayroon ang Israel kasunod ng missile barrage na pinakawalan ng Iran sa Israel.
Ibinida ni Trump kung gaano naging epektibo ang naturang air defense system sa pagharang sa 287 na malalaking ballistic missiles na inilunsad laban sa Israel. Sinabi din ni Trump na gagawin ang naturang iron dome sa Amerika at ilalagay ito sa mga lugar kung saan partikular na tinukoy ni Trump ang North Carolina.