-- Advertisements --

Nilagdaan ni US President Donald Trump ang isang executive order na nagpapataw ng sanctions sa International Criminal Court (ICC) dahil sa umano’y illegitimate at walang basehang imbestigasyon target ang Amerika at malapit na kaalyado nitong Israel.

Kabilang sa ipinataw na sanctions ni Trump ay financial/asset at visa restrictions sa mga indibidwal o opisyal ng ICC at kanilang pamilya na tumulong sa imbestigasyon ng international court sa mga American national o mga kaalyado nito.

Ginawa ni Trump ang paglagda sa naturang EO kasabay ng pagbisita ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu sa Washington.

Ayon kay Trump, inabuso ng ICC ang kapangyarihan nito sa pag-isyu ng walang basehang arrest warrant target sina Netanyahu at kay dating Minister of Defense Yoav Gallant.

Wala din aniyang hurisdiksiyon ang ICC sa US o sa Israel dahil hindi miyembro ang 2 sa Rome Statute o miyembro ng ICC.

Hindi din aniya kinikilala ng 2 ang hurisdiksiyon ng ICC at kapwa itinataguyod aniya ng 2 nasyon ang demokrasiya kasama ang kanilang militar na striktong sumusunod sa laws of war.

Matatandaan, nag-ugat ang naturang hakbang ni Trump sa inisyung arrest warrant ng ICC laban kay Netanyahu at Gallant noong Nobiyembre 2024 may kinalaman sa umano’y war crimes sa Gaza, bagay na itinanggi naman ng Israel.

Gayundin, ang pag-imbestiga ng ICC sa umano’y war crimes na na-commit ng Amerika laban sa Afghanistan.