Inimbita ni US President Donald Trump si North Korean leader Kim Jong Un na makipagkita sa Korean Demilitarized Zone o DMZ bilang parte ng kaniyang pakikipagpulong kay South Korean leader Moon Jae-In.
Nakatakdang magtungo ni Trump ngayong araw sa South Korea matapos ang ginanap na Group of 20 summit sa Osaka, Japan.
“If Chairman Kim of North Korea sees this, I would meet him at the Border/DMZ just to shake his hand and say Hello(?)!” saad ni Trump sa kaniyang tweet.
Ayon sa reports ng North Korea state media, nakita umano ng mga tauhan ni Kim ang imbitasyon na ito ni Trump ngunit hindi kaagad sila nag-commit sa nasabing ideya. Naging lalong mas mahigpit ang North Korean government sa Estados Unidos dahil na rin sa panawagan ni Trump para sa ikatlong summit kasama si Kim.
Layunin ng ikatlong summit na ito ang hikayatin si Kim na tuluyan nang sumuko sa kanilang nuclear weapons programs.