-- Advertisements --
White House Trump Melania
US President Donald Trump was asked on the issue of the VFA during the visit of Ecuador President Lenin Moreno and First Lady Rocío González de Moreno (photo from @WhiteHouse)

Binaliwala lamang ni US President Donald Trump ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na tuluyang i-terminate ang military agreement ng Pilipinas sa Amerika.

Ang reaksiyon ni Trump ay kanyang ginawa nang matanong ng mga mamamahayag sa White House ukol sa ipinadala ng Pilipinas na notice of termination sa Visiting Forces Agreement (VFA).

Ayon kay Trump, hindi raw niya ito binibigyang bigat dahil kung tutuusin mas makakatipid pa nga raw ang Estados Unidos.

“I really don’t mind. If they would like to do that, that’s fine. We’ll save a lot of money,” ani Trump.

Nang matanong naman ito kung pakikiusapan si Pangulong Duterte para irekonsidera ang desisyon, sagot naman ni Trump, iba ang kanyang pananaw sa iba.

“You know, my views are different than other people,” sabay paliwanag na maganda naman ang kanyang relasyon kay Duterte kaya titingnan niya ang mga susunod na mangyayari.

Sinabi pa ni Trump, dahil sa military agreement tinulungan ng Amerika ang Pilipinas na magapi ang Islamic State militants (ISIS). Ipinagmalaki ni Trump na ang US daw ang “nagsalba” sa Pilipinas.

Kung maalala nagkaroon ng papel ang US intelligence sa liberation ng Marawi City noong 2017 at sa kampanya ng AFP upang lipulin ang mga bandidong Abu Sayyaf.

Una rito, itinuturing naman ni Defense Secretary Marke Esper na isang maling hakbang ang ginawa ni Pangulong Duterte na pagkansela sa dalawang dekada na ring umiiral na Visiting Forces Agreement.

Lorenzana Mark Esper

Binigyang diin ni Esper na ang naturang kasunduan ay pagpapatibay ng kanilang presensya sa South China Sea maging ang pakikipagharap sa China na sundin ang international law pagdating sa paksa ng territorial issues.

“As we try to bolster our presence and compete with (China) in this era of great-power competition, I think it’s a move in the wrong direction, again for the long-standing relationship we’ve had with the Philippines, for their strategic location, for the ties between our peoples and our countries,” saad pa ni Esper.

Ayon sa defense secretary, labis umano nilang ikinadismaya ang desisyon ni Duterte dahil nilagay daw nito sa alanganin ang matagal nang relasyon sa pagitan ng Amerika at Pilipinas.

Sa kabila nito ay sinigurado ni Esper na patuloy silang makikipagtulungan sa gobyerno ng Pilipinas upang ipagpatuloy ng magandang samahan na nasimulan ng dalawang bansa.

Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na mas papaburan umano nito ang relasyon ng Pilipinas sa China at Russia kaysa sa kasunduan nito sa Estados Unidos.

APEC Summit Duterte Trump
ASEAN gala dinner with US President Donald Trump and President Rodrigo Duterte (file photo by pool, Nov 12, 2017)

Sinasabing kabilang sa nagpabilis sa desisyon ng Pangulong Duterte na alisin na ang VFA ay matapos na kanselahin ng US ang visa ni Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa.

Dagdag pa rito ang pakikialam daw ng Amerika na ipa-ban ang ilang Duterte officials na may kinalaman sa pagpapakulong kay Sen. Leila de Lima.

Ang 1998 Visiting Forces Agreement ang nagsisilbing legal framework sa presensiya US troops sa Pilipinas kabilang na ang pag-organisa ng taunang joint military exercises.

Sa ngayon hati ang mga pananaw ng mga eksperto at mga mambabatas sa Pilipinas sa hakbang ng gobyerno habang nagsimula na ang six-month countdown (180 days) bago pormal na mabuwag ang VFA.

AFP troops VFA balikatan soldiers