Anuman ang magiging kahihinatnan ng halalan sa Amerika, tiyak nang maitatala sa kasaysayan ng kanilang bansa ang record breaking na maagang bomoto lalo na sa pamamagitan ng mail-in.
As of 9PM (Tuesday Phil. time), umaabot na sa 100 million ang naitalang bomoto na maituturing na pambihira sa maraming kadahilan, unang una na ang agawan sa pag-upo sa White House sa pagitan ng dalawang higanteng personalidad na sina incumbent US President Donald Trump ng Republicans at ang challenger mula sa Democratic party na si dating Vice President Joe Biden.
Ang nasabing bilang ng mga bomoto ay mas mahigit pa raw sa bilang ng mga nakilahok sa buong halalan noong taong 2016.
Noong huling presidential elections halos 139 million ang bomoto kung saan ikatlong bahagdan ng mga votes cast ay bago ang election day.
Ang unang presinto na nagbukas sa kanilang bansa ay mula sa bahagi ng estado ng Vermont (5AM).
Ilang maagang botante rin ang pumila kahit nagbubukang liwayway pa lamang sa mga estado ng Virginia at Kentucky. Sumunod naman ang Georgia.
Ang ilang estado naman ay inabot din ng ilang oras ang mga pumipila kung saan marami sa mga ito ay nagsasabing ang pakikilahok ay bunsod ng coronavirus pandemic.
Ang komplikadong halalan sa Amerika ay kaugnay na rin ng umiiral nilang electoral college system.
Sadyang kakatwa.
Lahat ng mamamayan ay boboto kung sino ang gusto nilang maging presidente, pero kung sinong kandidato ang mangunguna sa kanilang estado ay saka pa lamang mapupunta sa kanya ang winner take all system na electoral votes na nakalaan sa isang estado.
Sa kasaysayan ng modernong US presidential elections, ito na ang pinakamainit daw sa politika.
Nagpatindi pa sa debate ang hindi mapigilang pananalasa ng COVID-19 na nag-angat sa Amerika bilang numero uno sa buong mundo dahil sa record breaking ng mga nahawa at namamatay, nandiyan din ang pagkabuhay sa isyu sa institutional racism, pagdami raw ng tinaguriang radical right, naging bukambibig din ng black lives matter ang usapin sa Antifa at iba pa.