Inanunsyo ni US Presisdent Donald Trump ang kanyang nominee para maging bagong mahistrado ng Supreme Court.
Sa kanyang talumpati sa White House Rose Garden, sinabi ni Trump na ito ay sa katauhan ni Amy Coney Barrett, isang conservative federal appeals court judge.
Inilarawan ni Trump si Barrett bilang isang “woman of unparalleled achievement,” babaeng may “towering intellect” at “unyielding loyalty to the Constitution.”
“I looked and I studied and you are very eminently qualified for this job,” wika ni Trump kay Barrett. “You are going to be fantastic.”
Si Barrett ang hahalili kay Justice Ruth Bader Ginsburg, na sumakabilang buhay dahil sa sakit na cancer nitong Setyembre 18.
Ang kanyang nominasyon ang hudyat para ibigay sa US Senate ang bola para sa kanyang kumpirmasyon lalo pa’t malapit na ang presidential elections sa Amerika sa Nobyembre.
Ang mga Supreme Court justices ay nino-nominate ng pangulo ng Estados Unidos, ngunit kailangang aprubado ito ng Senado bago sila tuluyang makaupo sa puwesto.
Ang 48-anyos na judge ay ang ikatlong mahistradong itinalaga ni Trump, matapos sina Neil Gorsuch noong 2017 at Brett Kavanaugh noong 2018.
Si Barrett ay nagtapos bilang magna cum laude sa Rhodes College, at nanguna rin sa kanyang klase sa Notre Dame Law School.
Noong 1999 nang ikasal si Barrett sa kanyang kapwa graduate sa Notre Dame na si Jessee Barrett at nagbunga ang kanilang pagsasama ng pitong anak, kung saan dalawa rito ay inampon mula sa Haiti.
Siya rin ay isang Katoliko. (BBC/ CNN)